Friday, March 24, 2006

Isa Na Lang Aalis Na

Paluwas ako ng Maynila para pumunta sa iskul. Tinanghali na naman ako ng gising! Mahuhuli na 'ko! Sana may maabutan akong dyip...

Isa na lang aalis na!

Sinagot ng langit ang dasal ko. Tila tinig ng isang anghel na naka-vest na kupas, sumbrerong pula, na tumatawag habang tumatalsik ang laway ang nag-anyaya sa akin. Solb! Pagtingin ko sa sasakyan puro matatalim na tingin ang sumasalubong sa akin.

Manong, di na yata ako kasya.

Kasya ka pogi, siyaman yan.

Ang lagi mong iniisip na pang-pituhan lang, 'tila nakukuha nilang pahabain. Alam ko ang pahamak na papasukin ko, kaso nagmamadali talaga ako at dahil na rin sa pogi daw ako, bahala na... sugod na!

Nang paupo na ako, lagot! Asan yung puwesto ko?? Usog ng konti sa kaliwa,
tabingi ng konti, bumaliktad kaya ako? Wala akong maupuan!!! Bago pa ako bumaba, gumalaw na ang sasakyan. Nang maisipan kong patigilin muna ito para bumaba, may boses na paulit-ulit sa loob ng ulo ko, "Kumag! wag ka ng maarte! mahuhuli ka sa appointment mo! Batugan ka kasing lintek ka!". Kaya minabuti kong itikom na lang ang bibig ko.

Para akong unggoy na nakalambitin sa hawakan sa kisame ng dyip para lang hindi malaglag. Habang urung-sulong naman ang puwit ko sa upuan, pero olats talaga! Sa gitna pa ako pinaupo ng mga nananadyang co-passengers ko. No chance!

Magkahalong reaksiyon ang natatanggap ko sa kanila. May mga pinipigilan ang pagtawa at meron ding naaawa, pero walang nag-alok ng puwesto nila. Sino nga ba namang tanga ang titiisin ang isang oras na biyahe ng ganun ang puwesto? Teka... tanga ako?
Hindi pa nakuntento ang drayber at nagsakay pa! Naisip ko wala din silang matinong mauupuan. hindi ako mag-iisa! bwahahahaha!!! bwaha-

Paki-ayos na lang po ang tabla.

Huh? anong tabla ang pinagsasasabi ng drayber? Anong? Anong? Binunot ng pasahero ang isang kahoy sa ibaba ng upuan upang ipatong sa may pintuan ng sasakyan. Gusto kong maiyak! Dalawa ang naka-upo sa magic seat. Dalawa!

Ang di ko maintindihan ay kung bakit hindi pa gumagalaw ang sasakyan ngayong wala namang bumababa at naka-upo na ang mga kakasakay lang. Parang naghihintay pa yata. Biglang bumaba ang mismong sasakyan. Yun pala may mga sumabit pa. Hindi ko alam kung anong parte ng "Bawal Sumabit!" ang di nila maintindihan. Kinunsinte pa ng drayber, oo nga naman, extra income!

Masaya din naman kahit papaano tuwing nagko-commute. Iba-ibang tao ang makakasalamuha mo sa dyip. Heto ang ILAN sa mga alam ko:

Mga Outcast
Ito yung mga nakaupo sa harap. Walang pakialam sa gulo ng mundo sa likod nila. Iwas sa sikip sa loob. Mas titiisin ang pagsuntok ng drayber sa mga tuhod nila habang ikinakambiyo ang sasakyan kaysa sa jungle sa may likuran.

Mga Safeguard
Sila yung mga kahit anong paki-usap mo sa kanila ng bayad mo ay ayaw iabot sa drayber. Hindi ka papansinin at kung lalo mo pang ilalapit sa kamay nila, titignan ka pa ng masama pagkatapos ay ang hawak mo na tila ba magagasgasan sila kung hahawakan nila ang pera mo. Yuck! so ewww... so derti!

Gollums
Natutuwa ako sa kabaitan nila na iabot ang pamasahe ng mga malalayong pasahero, kaso di ko rin mapigilang mag-isip kung bakit nakukuha nilang pahabain ang kamay nila para lang makuha ang bayad. Yung tipong kailangang dumaan muna sa kanila ang pamasahe/ sukli bago umabot sa dapat kalagyan. Tila umiilaw ang mga mata nila pag nakakahawak ng barya. "mhhhy... prhhheecioussss..."

Mga Pulitiko
Sila yung mga may force field ang kamay at ayaw pahawak sa iba ang mga bayad nila. Yung mga igagapang pa ang bayad nila sa drayber kesa ipaabot sa iba o di kaya'y hihintaying bumaba ang iba bago magbayad. Mahigpit na kaaway ng mga gollum.

Mga Pendulum
Ito yung mga natutulog at tila isang napakabigat na bagay upang balansihin ang mga ulo nila. Madalas na isasandal sa balikat ng katabi na nagiging...

Mga Shoulder Magnets
Mas malupit sa pendulum, dahil sila yung tipong adik sa balikat. Kahit anong baba mo sa balikat mo, susundan nila ito para mapatungan ng ulo. Lupet!

Mga Motion Insensitives
Isipin mo: nakasabit ang kamay, nakapatong ang ulo sa braso, at TULOG. Hindi sila basta-basta nagigising kahit na baku-bako ang daan at andar-hinto ang sasakyan. Wasted! Bigla na lang silang nagugulat nung kung ano at titingin sa paligid na parang di na kilala ang pagkatao. Malamang ay dahil sa nadulas na kamay sa hawakan tapos nalaglag kasabay ang ulo kaya sila nagising o kaya dahil sa mga...

Cheeky Girls
Sila yung mga magagarang nagdadaldalan sa dyip. Hindi ordinaryong kuwentuhan lang, sila yung tipong makabasag salamin ang boses tuwing humahalakhak habang may pinagtsi-tsismisan ang kapitbahay na inuulam ang asin.

Chico Boys
Heto naman yung mga madalsh makashalamuha *hik* tuwing dishoras na ng gabi.. Meron din yung mga makakashabay *hik* sha umaga, dahil malamang inabot na ng shikat ng araw sha kakagud-tym.. bwwweeeekkkk....

Mga Bespren
Ito yung mga oportunistang kaibigan ng drayber. Alam nilang ililibre sila ng drayber kaya hindi na mag-aatubiling magbayad, kahit pakitang-tao lang.

Kung iba-iba ang pasahero, iba-iba iba rin ang klase ng pagpara. (Sa mga hindi sumasakay ng dyip, ang "para" ay isang salitang inimbento ng mga taong tinatamad sabihin ang "pakihinto po" dahil mas nakakatipid sila ng tatlong syllables)

Andiyan ang ordinaryong "para", "para po", "para lang po", "sa tabi lang po" para sa mga ordinaryong pasahero. Boring.

Andiyan din ang mga kumakatok sa kisame. Walang sinasanto ang mga ito. Kahit na upholstered ang taas ng syip ay pipilitin paring katukin ito hanggang sa marinig ni manong.

Ang mga matalik na kaibigan ng kumakatok ay ang mga kumakalantong. Sila yung madalas mamili sa mga sari-sari store. Gamit ang isang barya, itataktak ito sa bakal na hawakan para sa isang mas matining na pagpara.

Yaman din lamang na may percussion na, papahuli pa ba ang mga wind instruments? Sila yang pumipito para makababa. Endangered species na ang mga ganitong nilalang kaya para sa mga kabataan, dalawampung taon mula ngayon, sa mga childcraft na lang sila mababasa. Ipasok ang hinlalaki at hintuturo sa bibig..."Piiiwiiitsss..."

At panghuli ang mga paborito ko. Sila ang may mga pinaka-exciting na battlecry upang ihinto ang sasakyan - ang mga panadero. "Hoooopia...". Hindi ko alam kung paano nila naimbento ang salitang ito na isang mabisang alternatibo sa salitang "para" lalo na kung sasabayan ng pagkatok o pagkalantong at hahabaan ang unang pantig.

May mas boring pa pala sa mga nauna. Sila yung mga bumababa sa final stop ng sasakyan. Hindi na kailangang pumara kaya ang laki ng nawawala sa kanila - ang thrill ng pagpara.

Yang mga nabanggit ko, sa probinsiya pa lang iyan. Iba na pag sa siyudad. Madalang nalang yung mga dyip na punuan, kadalasan bumabalandra na lang. Dahil sa laki ng populasyon nila, lumalarga na kahit walang pasahero. Pupulot na lang sa daan. Isa lang ang kapuna-puna sa mga dyip SA SIYUDAD sampu ng iba pang mga sasakyan ay ang di mapigilang pag-apak sa pedal habang may tumatawid. Hindi ko alam kung bakit parang nanginging ang mga laman nilang makasagasa. Nakakita ka na ba ng nabundol kahit trapik?? Ako, hindi pa. Di ko kasi nakuhang tignan ang sarili ko habang nagsosori ang nagmamaneho ng kotse. Para akong timang na nakatingin lang sa drayber at hindi nagagalit. Dala siguro ng gulat at puyat. Tapos...

Bosing, san kayo?
Ha? (punas ng laway)
Hanggang dito na lang po tayo.
Ahhh... ganu ba? . . . (mahabang katahimikan) HUWAAAATTT???

SUS-an Roces! Nakatulog ako. Waaaahhhhhh.... Late na'ko!!!!

Bosing, di ka pa nagbabayad

Nakakahiya...

Tuesday, February 07, 2006

Nostalgia...

Sa hapag-kainan. Alas-siyete y medya ng umaga, Huwebes. Walang pasok.

Ako: La, ano almusal?

Lola: May sinangag dyan, itlog, tsaka longganisa. Gusto mo milo? O kaya ito, Payless, gusto mo pagluto kita?

A: Milo? sige. (tingin sa instant noodles) Nyeh1! Lola naman, Maggi to eh!

L: Pareho lang naman yan eh. Pati nga kulay, parehong dilaw. Yan na rin yan. Wag ka ng maarte! Bukas ba may pasok kayo?

A: Meron na la. May iskedyul daw na pagpapausok sa iskul ngayon, para daw sa mga lamok. Lam mo lola? Kahapon sa iskul may dumating na trak ng Milo. Takbuhan kami ng mga kaklase ko papunta dun sa trak nung recess oh. Di ko nga alam kung bakit eh. Haba ng pila! Yun pala, namimigay ng milo. Sarap! Eh ikaw la? Ano yan?

L: Pan de sal at kape. Talaga? (iaabot ang milo) Nakailang baso ka?

A: Isa lang binibigay kada pila. Kaya nakadalawang pila ako. Muntik pa nga ako ma-late eh. (tikim sa milo) La, bakit iba lasa ng milo natin? Peyk yata ito.

L: Bagong bili yan! Gusto mong Cowhead o timpla kita ng Nido?

A: Sige, ok na to. Ayaw mo ng kanin?

L: Mas gusto ko 'to. Kain ka na.(sawsaw ng pan de sal sa kape)

A: Ahhh ganun ba?... uhmmmm... pwedeng penge?

L: Eto kuha ka. May kondensada sa pijider2.

A: Aaayos!!!


Alas-otso diyes, umaga pa rin.

Ako: La, punta ba tayo kina Kuya Rannie mamaya? (ngiti)

Lola: Wala yata sila sa bahay. Dito na lang tayo. (nagwawalis)

A: Ayyy... (simangot)

L: Bakit ba? Alam ba ng pinsan mong pupunta ka do-

A: OPO la! Maglalaro kami eh.

L: Aalis nga daw sila. Dumaan ako kina tito mo kanina. Naghahanda nga sila para umalis. Dito ka na lang maglaro o kaya sa labas.

A: Yihhh... La, wala naman akong Voltron3 eh. Tsaka manghihiram ako ng bala ng family computer.

L: Pagbalik na lang nila. Sige, pupunta tayo.

A: Sige na nga. Peksman yan lola ah? Binili mo ba ako ng goma? (ngiting abot tenga)

L: Oo, nasa may pinamili ko kanina. Sa taas ng lababo. Aanhin mo ba yun?

A: Ayos! Makikipaglaro ako sa labas. Pitik goma! Ayusin ko muna ng by-ten4.

L: Wag kang lalayo. Tumabi ka pag may dadaang sasakyan!

A: Opo la. (pagkatapos ng pitong minuto) Ok na la. Laro muna ako sa labas.

L: Sige, Wag kang takbo ng (nakatakbo na ang sinasabihan para maglaro) takbo


Sa labas...

Ako: Billy, laro tayo. Pitik-goma5.

Billy: Oo sige, ubusin ko lang passcard6 ni Mac-Mac

Mac-Mac: Wag na, balik-bayan7 na lang tayo. Ikaw din, wag na goma. Sa susunod na lang yan. Sali na lang tayo dun sa ibang naglalaro dun.

A: Sige. (mapapatingin sa tsinelas ni Mac-Mac) Teka, daya mo naman Mac! Eh rambo8 yang tsinelas mo eh!

B: (pabulong) Ok lang yan. May pagka-duling naman yan eh. Kahit makapal tsinelas nyan, hirap pa ring makatama yan. Matatalo sigurado yan. Kahit na rambo pa panangga nya sa paluan ok lang. Bakya ni nanay gagamitin natin!

A: O sige, game.

(pagkatapos ng apat na laro, talo sa tatlong round si Mac-mac. Ako naman dun sa huli.)

A: Taym pers9!'Yoko na. Nood pa akong Batibot!

B: Oo nga! tsaka yung mga pinapanood kong pap-ay!

M: Kartuuuns tawag dun! Oo nga pala, manood din pala ako ng Patras10. Tapos, Maskman!!!

B: Nyeh! Tuwing linggo lang ang Maskman!

M: Eh di Power Rangers11 na lang

A: Wala rin nun pag Biyernes. Alis na 'ko. Mag-uumpisa na!!!(habang tumatakbong kunwari ay nakasakay kay Battlehopper)

(buwag ang grupo)


Sa may sala, paglipas ng "kiddie time"...

Lola: Lipat mo sa 2 yung TV. Eat Bulaga na.

(maririnig na awit: "Always, I wanna be with you. and make believe with you. And live in harmony, harmony, oh love...")

Ako: Eto na La.

L: Diyan lang yan. Wag mong ililipat! Kain na tayo. Sino ba yan?

A: UMD yan la.

L: Di ba yan yung sa Mara Clara?

A: Ah opo. Si Wowie.

L: Basta dyan lang yan. Papanoorin ko pa bulagaan.

A: La, andyan pa ba yung hiniram na bwi-eyts-es12 ni kuya?

L: Andun yata sa drawer. Yung may daynosor?

A: Opo! Papanoorin ko mamaya. Pagkatapos ng Eat Bulaga.

L: Ay hinde! Matulog ka, para lumaki ka! Manonood akong Mara Clara.

A: Lola naman eh.

L: Ay hinde. Pagkatapos mo kumain, maligo ka para presko pakiramdam mo.


Pagkatapos kumain. Sa banyo...

Ako: Laaaa! WALANG SABON AT SHAMPUUU!

Lola: Anong wala, eh ginamit ko pa lang yung Ivory diyan kaninang naliligo ako. (titignan ang naliligo) Ang batang ito. Ang dami pang sinasabi para makaiwas sa pagligo. Ayan oh! Tapos eto ang Dial.

A: Mamaya na lang kasi ako maligo la. Laro muna ako.

L: Ah hinde! Maligo ka diyan. Pag di ka naligo, kukunin ka nung nangunguha ng bata! Ikukulong ka sa banyo!

A: (Sabay ligo)

(Pagkalipas ng apatnapung minuto)

L: Ano bang ginagawa mo diyan bata ka? Bakit ang tagal mong maligo?? Baka sipunin ka na nyan!

A: Malapit na pong matapos!

L: (Titingin sa banyo) Ay pambihirang bata 'to. Naglalaro ka na naman pala! Umahon kana diyan!

A: (nakababad sa timba) Opo. (Kukunin ang water gun)

L: Kaya naman pala ang tagal maligo. Bihis ka na dun!

(Takbo sa kwarto para magbihis. Pagkatapos magbihis, sinuklayan ng lola, pinulbusan at siniguradong nakapinata ang damit.)


Alas-kwatro bente ng hapon.


Ako: (kakagising lang) La, pengeng pera.

Lola: Kakagising mo lang saan ka na naman pupunta? O, eto dalawang piso.

Ako: Bibili lang po.


Sa may tindahan...

Ako: Pabili po. (ikakatok ang barya sa kahoy) Pabili poooooo!!! (ikakatok ng mas malakas) PABILI POOOO!!!

Tindera: Sandali laaaang. Ano yun?

A: Pabili po ng Bazooka.

T: Ilan?

A: Dalawang piso po.

T: Piso na lang ito eh. (iaabot ang dalawang piraso ng Bazooka bubble gum)

A: Tsaka po pisong caramel13 na lang.

T: (iaabot ang apat na pirasong caramel candy)

A: (tatakbo pauwi na parang nakasakay kay Road Sector) Sector! Shiiieeeld!!!! Eeeeengggggg.....


Sa bahay...

(pagsindi ng TV)

TV at Ako: Por terti na! Ang TV na!!!! Du a di di di di dam di bi dum!

Lola: Hinaan mo naman yan!

TV at Ako: Esmyuski!!!!

(tuluy-tuloy na ang panood ng TV. Ang pahinga lang ay ang TV Patrol)

Ate: Kain na tayo. Patayin mo muna yan. Tawagin mo na sina kuya at lola.

Ako: Sige.

(Pagkatapos kumain)

Ako: Laaa!! Okey Ka Fairy Ko na!!!!

Lola: Oo sige. Pagkatapos niyan, matulog14 ka na! May pasok ka pa bukas.

A: Opo. Ay la! Si Luka nabuhay! Eto o nakita ni Prinisipe K!


Pagkatapos ng OKFK. Bago matulog.

Lola: Inom ka munang gatas bago ka magsipilyo.

Ako: Sige po la. Ako na magtitimpla ng Nido.

L: Ikaw bahala. (iaabot ang baso ng tubig at lata ng gatas) Dahan-dahan, wag ka ng magkalat!

A: Opo. (ihahalo ang gatas sa tubig)

L: Baka makabasag ka na naman dyan-

*PSHIIING15* (basag ang baso)

L: Suuuusss!!!!!

A: Tulog na po ako. (takbo sa higaan)


1 Impluwensiya ng panood ng “Ang TV”

2 Refrigerator

3 Usong laruan noon hango sa sikat na palabas. Parang Voltes V. Robot na naghihiwa-hiwalay ang mga parte ng katawan at nagiging robot na leon. May kamahalan noon. Sikat ka kapag may ganito ka o Voltes V. Ito ang Gundam noon.

4 Isang paraan ng pag-aayos ng goma, kung saan itinatali ang mga goma ng tig-sasampu para makagawa ng isang mahabang mala-lubid na goma. Pwede rin ang by-one, by-two, at by-five. Ito ang mga karaniwang klasipikasyon. Sa bawat buhol ay pare-pareho ang kulay ng mga goma. Mahirap na ang by-fifteen pataas kase, makapal na ang mga goma at maiksi na lang ang magagawa mong lubid.

5 Isa sa madaming laro na magagawa sa goma. Dalawang manlalaro na nagsasalitan sa pagtira. Gumagamit ng strategy dahil kailangang isipin kung kelan lalapit at lalayo. Ang pagpitik ng goma ay ang tanging magagawa. Bawal ipasok ang daliri sa loob ng goma. Ang goma na unang makakapatong sa goma ng kalaban ang panalo. Ang premyo ay depende sa ipinustang bilang ng goma, Dito pumapasok ang pag-ayos ng “by”.

6 Isa pang tawag sa text. Mga maliliit na parihabang papel na may
larawan o mini-komiks ng pelikula.

7 Laro kung saan kailangan ng dalawang tsinelas ng manlalaro. Kahit ilang manlalaro ay pwede. Salit-salitan sa pagtira ng tsinelas sa lupa gamit ang isa pang tsinelas. Kahit anong uri ng tsinelas ay pwedeng gamitin at hindi kailangang pares ang mga ito. Unahang maka-abot sa ikalawang linya ang mga binabatong mga tsinelas. Pwede ring tirahin ang tsinelas ng kalaban para umurong. Ang matatalo ay papaluin sa kamay gamit ang pambatong tsinelas ng mga nanalo kung saan ang tangi lang nyang panangga ay ang suot na tsinelas sa kamay.

8 Isang brand ng tsinelas. Makapal at kulay itim na may maninipis na guhit na may iba-ibang kulay sa gilid. Mabisang panangga kapag natatalo sa balik-bayan.

9 Pinoy slang ng Time out!

10 Ang aso sa Dog of Landers. Alaga ni Nelo na nagtitinda ng gatas na nakalagay sa mga baldeng gawa sa lata, yung parang sa magtataho, na hila-hila naman ni Patras. Namatay ang dalawa sa huli sa may simbahan.

11 Grupo ng limang mandirigmang may iba-ibang kulay. Lagi kaming nagkukunwaring mga ganito ng mga kaklase ko sa elementarya. Lahat din ng grupong may “Man” pinatos namin. Maskman, Bioman, Fiveman, etc. Lagi akong ginagawang pula ng mga kasama ko. Siguro dahil ayaw nilang magsalita at mas mahilig sila sa bakbakan. Naiinis ako dahil imbes na makipag-sipaan, ako pa ang sumisigaw ng “Humanda kayong lahat”. May mas nakakahiya pang mga karakter. May mga gumaganap ding mga kalaban(big boss at mga foot soldiers). Ang hindi ko maintindihan ay ang pagpayag nung isa kong kaklase na maging si Zordon! Ang ulo na nagbibigay ng mga misyon sa Power Rangers. Sa maniwala kayo at hindi, labis na pinangatawanan niya ang pagganap bilang “HEAD”. Kahit boses at reaksyon ng mukha kuhang-kuha!

12 VHS. Ginaya ko lang ang pagbigkas ng mga titik nung guro ko noon.
Ang tinutukoy kong pelikula dito ay ang “Land Before Time”. Ang unang pelikulang naaalala ko na nagpaiyak sa akin. Ilang taon ko ding kinilala ang “If We Hold On Together” bilang pinakamalungkot na kantang narinig ng mga inosente kong tenga.

13 Matamis at maliit na kending hugis parisukat. May katigasan at kulay tsokolate. Puti ang pabalat na may sulat na kulay tsokolate din.

14 Maiksi lang ang mga gabi. Halos lahat ng oras nagugugol sa harap ng
telebisyon. Mabibigla ka na lang na oras na pala ng pagtulog.

15 Wala eh. Di ko alam isulat ang tunog ng nabasag na baso.

Monday, November 14, 2005

Twinkle Little Star!

Uhmmm.... hmmmm... medyo kumakapal ang bigote, bawasan..... ang buhok, kumakapal... pagupit kaya ako?... wag na... sige na nga... ay wag na lang! magpalaki kaya ako ng katawan... (ngisi)... (ngiti).. (kindat)... (kaway)... (ngiti ulit)... (pose)... (DUWAL!)

Hindi ko alam kung anong pumasok sa kokote ko at bigla akong nagpapa-cute sa harap ng salamin ng mahigit sa kalahating oras!. Hindi ko ito dating ginagawa. Pinakamatagal ko ng pamamalagi sa salamin ang sampung minuto. At ito ay para lang ayusin ang buhok ko gamit ang kahit anong bagay na pwedeng ilagay sa buhok o kaya’y pag nag-aahit ako. Maliban dun, wala na. May mga oras pa nga na hindi ko na tintignan sa salamin kung maayos ba ang suot ko. Kahit na sabihan akong may dumi ako sa mukha, kadalasan ipapakiusap ko na lang na pakitanggal ito kaysa humanap pa ako ng salamin para lang asikasuhin ito. Totoo! Kasalanan lahat ito ng tatay ko.

Nang minsang umuwi ako ng Sabado sa probinsiya, inanyayahan ko siya (tatay ko) na lumuwas sa Maynila at manood ng isang dulang isinulat ko dahil itatanghal ito sa darating na Biyernes. Sabi ko, maliban sa ako ang nagsulat, ako pa ang dumirehe. At kung hindi pa sapat na dahilan yun para manood siya, sinabi ko rin na kailangan kong i-arte ang pangunahing tauhan dahil nag-backout ang isa sa mga artista ko. Biruin mo sagutin ba naman ako ng, “Next time na lang pag artista ka na sa TV”. Sa kaloob-looban ko, @#^^%%$#, seryoso ba siya???

Hindi ko kailanman nahiligan ang pag-arte sa telebisyon. NASUSUKA akong isipin na makikita ako ng madaming tao sa telebisyon na umiiyak o nagpapatawa. Dahil kung ako ang manood sa sarili ko, tiyak na sasakit ang tiyan ko sa kakatawa at pagkatapos ay maiiyak sa hiya. Umaarte naman ako noong nasa hayskul ako, pero yun ay dahil wala akong ibang pagpipilian at hindi sa telebisyon! Alangan naman na piliin ko ang bagsak na marka, tiyak sa bahay ako paiiyakin. Kahit ang pag-arte sa teatro ay hindi ko linya. Umarte ako DAHIL nag-backout nga ang artista ko. Habang kami ay nag-eensayo, bilang direktor, gusto kong sigawan ang sarili ko na, “Pakingshet!! Wala na bang mas aayos pa sa pinag-gagagawa mo??!!”

Biglang pasok ang mga star search sa telebisyon. Kabi-kabila ang mga patalastas na nag-aanyaya sa mga bata na mag-audition. Wanna be the next star? What are you waiting for? o kaya’y, Do you have what it takes? ...What are you waiting for? Ayos ah, kung matagal mo ng pinapangarap ang mangawit ang panga sa kakangiti at magpipirma sa kung anu-ano, pihadong manginginig ang mga kalamnan mo. Hindi ako isa sa mga ito, pero dahil gusto kong subukan kung papanoorin nga ako ng tatay ko pag nasa telebisyon na ako, napaisip tuloy ako. Pumunta ako sa salamin, nagpa-cute. Pinipigilan ko ang pag-tindig ng mga balahibo ko sa buong proseso ng pagtingin sa mukha ko sa harap ng salamin. Pero ng subukan kong banggitin ang mga katagang, “Watch out! I’m gonn be a sta-” bweeeekkkk... Grabe, hindi ko talaga kinaya. Hiyang-hiya ako sa sarili ko dahil sa mga pinag-gagagawa ko. Tila may sa kung anong hayop na tumatakbo sa sikmura ko para bumaliktad ito.

Asar na asar ako sa mga programang ito. Dahil kung talagang desidido ka sa pagsali, para sa akin ang bigat ng kailangan mong isakripisyo. Nakasalalay kasi dito ang pag-aaral mo. May mga age requirement sila na 12-16 o kaya 19. Kung normal kang estudyante ng Pilipinas, alam mong matatapos ka ng kolehiyo pag umabot ka na ng dalawampu o dalawampu’t isa, tama ba? Ang ibig sabihin, maliban na lang kung di ka na nag-aaral, kailangan mo munang huminto para maging artista. Gusto ko sanang sabihin na baka posible namang pagsabayin ang pag-aaral at ang mga workshops, tapings, at screenings dito, kaso may kilala kasi akong sumubok ng gawin ito. Agad siyang natanggal, kadalasan kasi ay huli itong dumadating sa mga apoointment dahil inuuna niya ang pag-aaral kaysa sa mga schedules ng programa. Alam kong pwedeng ituloy ang pag-aaral pag nanalo ka na o kaya pag natanggal ka na kaso, ewan ko bakit kumukulo ang dugo ko sa age requirement na iyon. Dahil kahit saang anggulo ko tignan, pinapili ka pa rin sa pagitan ng libro at kamera. Para sa akin, kasuklam-suklam iyon.

Hindi ko minamasama ang pagbibigay nila ng oportunidad sa mga nangangarap. Sa hirap nga naman ng buhay ngayon, isa sa mga madali at ligal na paraan ng pag-angat sa buhay ay ang pag-aartista. Dahil sa bawat paglabas mo, pera na kaagad. Sa bawat patalastas na nakalapat ang mukha mo, pera din. Sa madaling salita, kung pera din ang pag-uusapan, wala kang katalo sa pag-aartista. Kaya kahit na kupas na kupas na ang sagot na, “gusto ko lang pong makatulong sa pamilya ko...”, tuwing tinatanong sila kung bakit sila nag-audition, hindi ako nagdadalawang-isip na maniwala. Pero kung ako ang nagbibigay ng hukom, mas gusto ko ang sagot na, “kasi po may ipapakita ako na talento sa mga tao”, dahil ito naman talaga ang hinahanap sa ARTISTA. Ang kakayahan nitong gumanap at hindi kung gaano kakinis ang mukha nito.

Ang mukha at ang talento. Maswerte ka kung meron ka pareho. Ikaw na ang next big thing ika nga. Pero paano naman kung isa lang ang meron ka? Huwag mong kakalimutan, dito ka sa Pilipinas nagbabalak mag-artista ha? Ano sa tingin mo? - Isa itong no-brainer.

Nakakalungkot na isiping madaming potensyal ang naghihintay ng kanilang pagkakataon na ibahagi ang kakayahan nila pero natatakpan sila ng mga nag-gagandahang mukha at mga kumikinang na ngiti. Hindi ko rin masisisi ang mga hurado. Dahil prangkahan na, karamihan sa ating mga Pilipino mas pipiliing panoorin ang gwapo/maganda na halos basag na ang boses sa pagpupumilit magpapatak ng luha kaysa sa isang tunay na talento na tayo ang umiiyak tuwing napapanood natin sila, hindi nga lang kaguwapuhan/kagandahan. Oo, tayo! Kung napapansin niyo, may mga beses na pinagbabatayan ang boto ng madla sa pagpili ng mga papasok sa patimpalak. Biruin mo natatalo ang mga magagaling sa mga may itsura nga pero ang alam lang sabihin ay “ma-hal kow ka-yow! (ngiti)". Hanep din ah! Parang ang hirap ng pagkukumpara sa dalawa. Pero sa totoo lang, ang dali lang naman di ba? Alam natin ang tama pero dun pa rin tayo sa kabila.

Habang may mga nangangarap, pihadong mayroon at mayroon pa ring mga ganitong programa na hahalukay sa mga ito. Malaki din kasi ang kinikita ng mga istasyong namamahala ng ganitong mga programa. Kahit sa mga boto lang ng mga nanood, pwede na nilang makuha ang papremyong ihahandog nila sa mananalo. Maging milyon man ito at bahay. Kahit dagdagan mo pa ng kotse, mga appliance showcases, at kung anu-ano pa na magpapatulo ng laway mo para sumali.

Hindi ako sumasali sa mga ganitong patimpalak dahil alam kong wala akong talento sa pag-arte. KUNG sasali man ako, dahil gusto kong makatulong sa pamilya ko, at inuulit ko, yun ay KUNG sasali nga ako. Alam ko ang depinisyon ng mga salitang ARTISTA at AKTOR. Malaki ang respeto ko sa mga taong tinatawag kong ganito. Ayaw kong maging bahagi ng pagkasira ng kahulugan ng mga salitang ito.

Ang akin lang, kailan kaya uusbong ang kakayahan natin na kilalanin ang pangingibabaw ng kakayahan sa pinagpalang kagandahan? Kailan tayo papalakpak at hahanga sa mga may malaking potensyal na maging aktor sa industriya? Kailan natin makikilala ang mga tunay na talento?

Wednesday, November 09, 2005

Swerte!

Hindi ko alam kung anong meron sa gabing iyon. Ang baba ng pakiramdam ko. Gulung-gulo ako. Hindi ko alam kung anong gagawin ko. Di ako makatulog, medyo maaga pa. At kahit siguro hatinggabi na, hindi pa rin ako makakatulog. Parang niloloko ako ng orasan. Ang lakas ng pag-tik-tak nito habang dinudurog nito ang aking katawan.

Pakiramdam ko pasan ko ang mundo. Napakalungkot ko. Walang ibang pumapasok sa isip ko. Wala akong gana. Hawak ko ang gitara, pinipilit tumugtog pero di ko magawa. Parang may kulang. Parang walang –…

“Hoy! Nanalo ka daw sa raffle!”

Parang walang – …teka… Ano daw?

“Punta kang San Fernando bukas! Nanalo ka daw ng consolation prize na groceries. Yung mga ticket na binenta ko sa’yo”

Teka… teka… joke ba ito? Tila lumulutang ang isip ko dahil sa kalungkutan ng biglang may mga salitang binanggit ang kapatid ko na biglang pumasok sa utak ko at sinalo ang nahuhulog kong kaluluwa.

“Hoy! Nanalo ka daw sa raffle! …Hoy! Nanalo ka daw sa raffle!…Nanalo ka daw sa raffle! Nanalo ka sa raffle! NANALO KA!!!!!”

HUUWWAAATT????!!! Nagising ako bigla. Gusto kong lumuhod at magdasal pero wala pa ako sa sarili ko. Hindi ko alam kung anong magiging reaksyon ko… ANG BAIT NG DIYOS!!!

Sandali lang, ang laki nito. Hindi pa ako handa sa ganitong suwerte. Baka may malaking naghihintay sa akin dun. Kailangan handa ako. Pag-iisipan ko muna ng dalawang araw, o kaya tatlo na, kung paano ako pupunta dun at tatanggapin ang aking premyo. Sa tingin ko kulang pa ang tatlo. Dagdagan ko pa yung pag-iisip, siguro mga –…

“Huwag mong kakalimutan. May deadline yung mga yun. Baka ma-forfeit pa prize mo!”

O sige, punta na ako BUKAS.

Kinabukasan…

First time kong manalo sa raffle. Mula ng mamulat ako sa mga ticket na binebenta sa amin sa iskul noon, hindi pa ako nakakatikim ng premyo. Ni minsan! Maging isang piraso o kahit na tatlong booklet na binibili ko, hindi pa rin ako manalo-nalo. Fund-raiser man o charity tickets, lagi akong olats. Buti naman dito, nanalo ako kahit isang booklet lang kinuha ko.

Sisikat na ako nito. Dahil sa biglang suwerte ko sa mga raffle, pagkakaguluhan ako ng mga tao. Magbebenta sila ng ticket sa akin o di kaya’y magpapabenta. Malalagay ang larawan ko sa mga billboard, may hawak na raffle tickets at may nakasulat sa ibaba ko na, “ANG PINAKASUWETENG LALAKI SA BALAT NG LUPA”. Iinterbyuhin ako sa mga dyaryo, radyo, at TV. Baka malagay pa ako sa TIME Magazine at mababansagang “Man of the Year”. Pero kailangan dahan-dahanin ko lang dahil di pa ako sanay sa ganitong rekognasyon. Paulit-ulit kong sinasabi sa sarili ko, “teyk it i-si”

Naligo na ako at nagbihis. Simple lang. Hindi magara, hindi rin naman burara. Kumain ako para hindi kabahan pag haharapin ko na sila. Handa na ang lahat; ang I.D. at ang pamasahe. Pwede na akong lumarga papunta sa aking kapalaran. Pero teka, kailangan relaks lang ako. Kailangan hindi sila magkaroon ng pangit na unang impresyon sa akin dahil alam ko dis wil ayder meyk mi or breyk mi.

Hindi ko maramdaman ang haba ng biyahe dahil sa mga naiisip ko. Gagawin kaya akong artista dahil sa kapalaran ko? Bibigyan kaya ako ng soap opera? Sino kaya ka-loveteam ko? Mga ganyang klase ng tanong ang umiikot sa utak ko sa buong biyahe. Pagbaba ko ng dyip, muntikan pa akong sumakay ng bus papuntang Maynila dahil sa wala ako sa sarili ko. Kung bakit pumupunta ako sa istasyon ng bus, hindi ko alam.

Heto na ang building. Hingang malalim. Handa na ba ako? Handa na ako. Inaakyat ko ang hagdanan papuntang 2nd floor. Eto na ‘to wala ng urungan. Bago ko binuksan ang pinto, napaatras ako. Naghanap ng mga pader na gawa sa salamin upang tignan ang sarili ko. Nag-ayos muna ako, baka kasi pagbukas ko ng pinto sasalubungin ako ng katakut-takot na flash ng mga kamera. Mabuti na ang handa di ba?

Pagbukas ko ng pinto…

“Uy! Penge akong bagong catalogue.”

“Anong bago dito?”

“Asan na yung babae dito?”

“Bakit ang tagal naman?”

Ang daming tao. Anong pinag-uusapan nila? Bakit di nila ako pinapansin? Malamang mga press pipol na ang mga ito. Hinihintay lang nila akong banggitin ang mga mahiwagang salitang…

“Excuse me po? Mag-ki-claim lang po nung prize?”

“Hoy! Bilisan mo! Nagmamadali ako!”

“Hihihihihi… talaga? Hindi nga?”

Wala pa ring pumapansin sa akin. Ng biglang…

“Uy, may tao”

“Yes?! (tingala ng bahagya) Anong kailangan nila???!!”

Nakakatakot naman magtanong ito. Pakiramdam ko lalamunin ako pag may mali akong sinabi.

“Kukunin ko lang po yung prize, ako po yung nanalo ng groceries”

“Ano??"

Gusto ko ng tumakbo papalabasa at sumigaw ng saklolo.

"Anong pangalan mo? Sinong nagbenta sayo ng ticket? May I.D. ka ba?”

Inabot ko ang I.D. ko.

“Ah ikaw ba? (ngiti) Kala namin hindi mo na kukunin. (ngiti ulit) Congrats!”

Nagsitinginan ang lahat ng marinig ang salitang “Congrats”, nginitian ako ng lahat. Pakiramdam ko’y napaka-banal ko. Pagkatapos ay nagbalik sila sa kanya-kanya nilang kwentuhan. Dinedma na ako. Paglabas ko ng pinto, hindi ako makapaniwala… YUN LANG??? Walang photo-op? Walang papapirma? Anak ng tokwa naman!

Hindi ko matingnan ang laman ng package na mabigat, sa bahay na lang. Isipin mo, isang styro plate na patungan ng mga goods, nakabalot ng cellophane na dilaw at tinalian ng lila. Ganun ang dala-dala ko hanggang maka-uwi. Tinitignan ako ng mga katabi ko sa dyip. Alam nilang nanalo ako. Hindi ko naman masabing, nag-grocery lang ako. Walang maniniwala, anong supermarket nga naman ang magbabalot ng mga paninda nila sa cellophane?

Pagdating ko ng bahay, binuksan ko ang package. Ito ang laman ng 300 piso na worh of groceries:

100g Star Margarine
165g Purefoods Pork & Beans
165g Purefoods Luncheon Meat
150g 555 Tuna, Laing flavor
190g Purefoods Chunkee Corned Beef (daming Purefoods ah)
180mL Purefoods Supremo Cane Vinegar Budget Pack (kitam?)
180mL Datu Puti Soy Sauce Budget Pack
150mL Datu Puti Fish Sauce Budget Pack
100g UFC Banana Catsup Budget Pack
850g Del Monte Fiesta Fruit Cocktail in Heavy Syrup, now with Red Papaya
154mL Carnation Evaporated Milk
301mL *Carnation Condensed Milk (buo na ang araw ko!!!)
250mL Nestle All-Purpose Cream (buo na fruit salad natin.. bwahaha)
250g Golden Egg Mayonnaise
250g Eight o’ Clock Dalandan, makes 11 glasses (yun, tamang-tama! nawala na kasi yung iba naming baso. Buti naman at madadagdagan na kami ng 11 pang baso… hehehe)
____________________________________________________________

P300.00 (daw!)


*masaya ako pag may kondensada. Tuwang-tuwa akong isawsaw ang tinapay dito. Di na baleng magka-LBM ako, basta gusto ko yun.

Pagkatapos kong ayusin ang mga papremyo, dumating ang kapatid ko. Sabi niya sa kanya daw yung mga napanalunan kasi…
kasi…
kasi…
…di ako nagbayad ng ticket.

Huwaaahhh!!!! Patay! OO nga pala!!!

Letseng buhay ‘to oh!

Pero ok na rin. Nahingi ko naman ang kondensada. bwahahaha…bwahahaha
Uhmmm… ano kaya mapapanalunan ko sa susunod?

Monday, November 07, 2005

Tipid! Tipid!

(originally posted on November 3, 2005)
Maiba ako.
Effective na pala ang E-VAT. Hindi ko alam kung matagal na, basta lately ko lang nalaman. Hindi ako masyadong updated, ayoko kasing masyadong nanonood ng balita. Umaakyat lang ang dugo sa ulo ko. Kaysa ikamatay ko, wag na lang. Nakakatuwa siya (E-VAT) kahit papaano, kung totoong dun nga ang pupuntahan ng mga napipigang buwis sa mga tao. Biruin mo, lalaki budget ng Pinas, makakabayad na tayo ng utang sa World Bank, mag-iimprove mga facilities at attractions dito, makakapag-aral na lahat, malapit na tayong makabangon sa pagiging Third World country, aasenso na tayo!!!!! WOW!!!
Kaso, may mga cons din naman ito. Halata naman eh! Hindi sumasabay ang pagtaas ng mga halaga ng bilihin sa pagtaas ng sahod ng mga manggagawa. At dahil natutunan ko ang ratio and proportion nung Grade 4, alam kong mali ang computations nila ng sweldo at expenses. Sabi nung aleng napanood ko minsan sa TV nung tinatanong siya kung sang-ayon siya dito (bago pa ito ipinatupad), “Ay hindi po (may mga kumakaway na batang nagpapa-cute sa likod at umaastang pang-That’s-My-Boy). Hirap na hirap na po kami (may napadaan na mama, napansin ang kamera pero parang wala lang, tuloy pa rin sa pamimili). Hindi na nga po namin mapagkasya ang sweldo ng mister ko, tataas pa bilihin (bumalik yung mama). Halos Payless na nga lang po inu-ulam ng mga anak ko eh. Ano na papakain namin ngayon? (ngumiti at kumaway ang mama)”.
Isa sa mga malupit ang tama ay ang gasolina. Ang lakas ng tama, kumbaga sa isang drug-addict, high! Bago pa ang E-VAT, tuwing nababanggit na tumataas ang gasolina, tumataas din ang mga pangunahing bilihin. Noong bata ako, gulung-gulo ako sa balitang iyon. Bakit ba nagtataas ang asukal, gulay, at bigas tuwing nagtataas ang presyo ng krudo? May percentage ba ng gaas ang mga pagkain natin? Halimbawa, sa kangkong ba, puno ba ng gaas ang dahon nito o di kaya ang stem? Kailangan tama ang hula mo, dahil baka makain mo yung meron. Yuuckkk!!!
Karamihan sa mga may sasakyan, pinipili na ngayon ang sumakay na lang ng dyip dahil makakamura nga naman sila. Minsan, nagkaroon ng diskusyon at biruan dito sa bahay kung paano makakatipid ng pang-karga ng sasakyan. Sabi ng kuya ko, maghihintay na lang daw siya ng kakilala niya sa bus stop para magpalibre. Buti sana kung hindi siya ang hihingan ng libre ng kaibigan nya, eh di wala rin! Isa pa daw option ang makisabay sa kakilalang may sasakyan. Pero di ba, dahil mahal nga ang gasolina, pwede kang paki-usapan na hati kayo sa bayad para magpa-karga, lalo na kung malayo ang biyahe? Mas talo ka!
Hindi lang ang mga bilihin at krudo ang tumaas, pati ang kuryente at tubig. Kaya nga namomroblema ang ilang sikat na personalidad kagaya nina Aquaman, Iceman, Kapitan Kidlat, Volta at iba pa. Kasi hinahanap sila ngayon ng taong-bayan para hingan ng supply. Oo, kasama si Iceman, sa init ng panahon at pagka-desperado ng mga tao, tiyak magiging tubig din yun. Kaysa sa hintayin pa sila, na malamang ay nananatili sa kanilang anyong-tao ngayon at nagtitipid din, heto ang ilan sa aking mga tipid tips:
Tubig:
- gumamit ng mas maliit na baso sa pag-inom ng tubig, para konti lang maiinom
- Sa pagligo, wag ng magsabon at shampoo. Kung minsan kasi, ang hirap banlawan, SAYANG ANG TUBIG!
- Gamitin ang patapon na tubig ng aquarium sa pagluluto ng paksiw. Mas malupit na ang lasa kaysa sa ibang seasoning mix, nakatipid ka pa
- Wag mag-flush ng toilet pagkatapos ng isang gamit lamang. Hayaan na lang itong nakatiwangwang at i-flush na lang bago matulog sa gabi. Di bale ng magkapatong-patong ang mga dumi, bonding na rin yun ng mga saloobin ng mga tao sa bahay kahit papaano
- Wag ng magdilig ng halaman, kumanta na lang ng malakas. Kailangan sobrang sintunado ka para mabilis ang reaksyon ng kalangitan
- At habang umuulan, ihanda na rin ang mga batsa at timba upang ipunin ang ulan na pwedeng magamit panlaba, pang-hugas ng pinggan, at panligo sa pagdating ng takdang panahon.
Kuryente:
- Maglagay ng malaking magnet sa taas ng kontador, upang bumagal ang takbo ng metro. Iligal, kaya wag papahuli. (kung susubukan ninyo ito, na effective naman talaga kahit hindi madalian ang epekto, wag kayong magtatapat na ako nagturo! Itinuro din lang sa akin yan.)
- Hinaan ang volume ng tv kapag nanood. Pag DVD naman, i-mute na lang. Tapos i-on mo yung subtitles, makakasunod ka pa rin sa mga usapan. Iwasan ang mga DVD na pangit ang pagka-kopya! Maiinis ka lang sa mga subtitles
- Wag ng gagamit ng mga appliances na 220v. Mag-110v na lang (ayon sa isang almost presidentiable noong nakaraang eleksiyon)
- Wag ng makinig ng balita sa radyo bago umalis ng bahay. Pumili ka na lang ng jeep na may radyo at matandang driver, na iyong sasakyan patungong trabaho/eskuwela. Tiyak yun! Naka-AM station! Kailangan talaga yung may katandaan para sigurado. Kasi kung medyo bata pa ‘yan, tatanungin ka lang ng radyo ng, “Naka-LOVE ka pa ba? kailangan pa bang i-memorize yan? Kukurukuku!”
- Wag ng gagamit ng aircon at electric fan kapag naiinitan. Lumabas na lang ng bahay at pumito. Mapapansing iihip ang hangin, hintayin mo na lang. (isa itong kagawian na may hindi kapani-paniwalang bisa. Kinontra ko ang tatay ko sa pagsabing totoo ito habang patuloy siyang pumipito. Akalain mo ba namang humangin nga? Sabi ko coincidence, tapos inulit niya. Humangin na naman! Langya! Pahiyang-pahiya ako.)
- Bawas-bawasan ang pag-iinternet!
Kaya heto na at tatapusin ko na, SAYANG ANG KURYENTE!
Kailan kaya dadagdagan baon ko?

Pilot

(originally posted on November 2, 2005)
Tuwing sumasapit ang ganitong panahon, hindi ko mapigilang magbigay ng opinyon tungkol sa UNDAS (All Saint’s Day, kung di nyo pa rin alam ang All Saint’s Day, alamin mo muna kung sang planeta ka nakatira dahil sigurado akong hindi sa Earth). Minsan naisip ko na parang mas okay pa ito kaysa sa pasko, new year, balentayms, at iba pang mga okasyon. May kakaibang aura akong nararamdaman pag parating na ito. Malapit na ang mga takutan, pag-alala sa mga yumaong minamahal, kandila, bulaklak, paglinis ng nitso, at plastikan.
Hindi ko alam kung anong meron sa hinihimlayan ng patay na tila ba may isang supermagnet na humihila sa lahat o at least man lang sa karamihan ng mga kamag-anak nito, galing!
Pag pasko kasi, may mga nagtatagong ninong at ninang. Sa hirap ng buhay ngayon, pati mga tito at tita nakikitago na rin, at kung mas minamalas ka pa, tuwing mag-k-christmas shopping na eh, nagtutulugtulugan ang mga magulang mo o di kaya’y tinubuan sila bigla ng sakit ng ulo. Kung may mga nagtatagong di makita, hindi mabubuo ang pamilya. Ganun din sa new year. May mga nagtatago pa rin dahil alam nilang nakatatak pa rin sa utak ng mga inaanak at pamangkin nila ang ipinagkait na aginaldo.
Pero iba ang undas, kahit may alitan o pagtatalong nangyari sa pamilya, sisipot at sisipot pa rin sila sa sementeryo upang magsindi ng kandila. Iba-iba ang mga dumarating. Nandyan ang mga tiyo at tiya, mga pinsang kilala, mga pinsang hindi kilala, mga pinsang pag inalam mo ang koneksyon sa iyo ay wala ka namang makikita (yun pala, sa kabilang libingan sila, hihi), may mga hindi nagkikibuan. Yun, alam mo na may atraso o kaya’y conflict sa isa’t isa.
Walang nagsasalita ng ilang minuto minsan inaabot ng oras. Pag malapit ng maubos ang kandila, magsisindi ng panibago, wala pa ring salita. Kinakabahan ka dahil alam mong kahit anong oras ay may sasabog. Alalang-alala ka, gusto mo ng lumayo ng biglang…
biglang…
“Kamusta na kayo? Anong oras kayo dumating? Asan ang iba?”
Huh??!!! Tama ba ang mga narinig ko??? Gising ba ako? IBALIK NYO KO SA MUNDO KO!!!
May mga nagkakamustahan na magkaaway. Wala nga naman silang ibang gagawin doon kung di magdasal at “magkwentuhan”, plastik di ba? Oo nga pala, may mga kainan din. Ilan lang yan sa mga magagawa sa sementeryo. Dati nga may mga inuman, sugalan, at habulan ng sibat pa sa harapan mo. Hanep parang karnabal, ang saya! Kaso ngayon, pinagbawal, hinaharangan ang mga salarin na pumupuslit ng may kargada. Kill Joy!
Swerte ako dahil ang dalawang puntod na pinupuntahan namin ay sa iisang sementeryo lang at tipong labinlimang metro lang ang layo. Pagkatapos kong daanan ang dalawa ay pwede na akong mamili kung saan ko gustong mag-stay. Kung sa plastikan, o dun sa madaming pagkain at masaya. 7 out of 10, mas madaming oras ang ginugugol ko dun sa nauna. Exciting kasing obserbahan ang mga kinikilos ng mga tao dun. May thrill, dahil anytime pwedeng may maglabasan ng sama ng loob.
Gusto kong inaabot ng dilim pag nasa sementeryo ako. Nakakaaliw kasi ang mga ilaw ng kandila. Yung tipo bang pwede kang mag-emote at gumawa ng music video. Hindi lang iyon ang mga attractions sa sementeryo. Meron ding pabonggahan ng mga nitso. Astig yung iba, may mga mausoleums! May mga naka-landscape pa. Kung minsan gusto kong tapusin ang buong araw doon kasi interesado akong malaman kung may pinaparangalan bang “Best in Tomb Design” at kung anong makukuha. Malamang lifetime supply ng kandila.
Ang saya ng undas!!! Ang saya talaga!!! Sige nga, may iba pa bang mas sasaya kaysa sa undas?

Lipat-Bahay

Bago pa lang ako dito sa blogspot. Ok naman pala. Malawak, magara, mahusay, ma... basta! astig! (kumpara sa bwaka ng inang friendster). Wala pa akong bagong post so far... wala pa akong maisip na isulat. Pero i-po-post ko dito yung previous articles ko. May mga napala ding magagandang komento ang mga ito kaya napag-isip-isip ko na ibahagi naman dito. Sa mga magbabasa, paki-usap ko na magbigay kayo ng mga opinyon niyo para mas masaya tayo.
Nagustuhan niyo man o hindi, positibo o negatibo, basta komento, tatanggapin ko.
Hanggang dito na lang muna, sana ay maibigan niyo ang mga sulat ko. Oo nga pala, simple lang itong ginawa kong blog. Ayoko ng masyadong magara, masakit sa utak. Gusto ko, mag-focus lang tayo sa mga issues na nakalahad.
Pwedeng maniwala kayo sa binigay kong dahilan ng pagka-walang buhay ng blog na ito o isipin na hindi lang ako marunong mag-ayos. Kung ako tatanungin, dun ako sa ikalawa.